03/19/2024
Balik tanaw ni kulasa
Kami ay hinubog, sa aming tahanan
Paggalang sa kapwa, kapatid at magulang
Pag lumabag ay dapa, palo matitikman
Aral at disiplina ay aming natutunan
Sa hirap ng buhay natutuhan na rin
Manalap ng dulong, mamiwas magtinda
Magsaing ng Kanin sa kalang May baga
Maghugas ng pinggan doon sa banggera
Natutong mangahoy sa bundok tuwina
Umigib ng tubig makabilay pingga
Magwalis ng paligid sigain tuwina
Maglinis ng bahay tulong ko kay ina
Dahil makaama akoy laging kasama
Bundok man o dagat saan man magpunta
Kaluban at tali na gamit ni ama
Bitbit at dahilan upang akoy makasama
Tandang tanda ko pa mga palo ni ina
Kapag habol ako sa bangka ni ama
Utos na pagalit ENRIKITA ikay umuwi na
Lalong todo ang iyak naglulupasay pa
Subalit matigas nga itong aking ulo
Paluin,hilahin umuwi lang ako
Sa duungan luluha nag aantay ako
Hanggang sa pagbalik mahal na ama ko
Noo’y natutunang itali ang kamay
Karugtong ng damit ng mahal kong tatay
Upang sa pagbangon akoy kanyang tangay
At pagpalaot niya’y di ako maiiwan
Sa paghahayuma akoy nakababa
Tulog tulugan pa sa likod ni ama
Antay na buhatin at ako ay makarga
Kaysarap humimlay sa bisig ni ama
Maraming salamat DIYOS na dakila
Sa biyayang magulang na AMA at INA
UTANG na pagkatao na pinanday nila
Sila’y inspirasyon habang May hininga.
Tita Ponelas Castillo