19/07/2026
Maraming salamat po sa lahat ng nag-like, nag-share, nag-comment, at sumuporta sa video na ibinahagi namin.
Sa totoo lang, hindi po namin inaasahan na aabot ito sa napakaraming tao. Wala po kaming intensyon na mag-viral o manghingi ng simpatiya. Ang tanging hangarin lang namin ay magbigay ng awareness para maging mas maingat at mas mapagmatyag ang lahat sa ganitong klaseng pangyayari.
Nakikiusap lang po kami na huwag naman sanang isisi sa aming tindera ang nangyari. Marami po ang nagsasabing kasalanan niya, pero iyon po talaga ang nakasanayan naming lagayan ng cellphone. Hindi man ito naging tamang desisyon, isa na rin itong aral para sa amin at sisikapin naming mas pagbutihin ang seguridad ng aming tindahan.
Marami rin pong nagsuggest na lagyan namin ng gate o harang ang pintuan. Maraming salamat po sa inyong mga payo. Sa kasamaang-palad, hindi po namin ito magagawa sa ngayon dahil nasa labas mismo ang aming kainan at open ang setup ng aming maliit na negosyo. Alam naming hindi ito perpekto, pero ginagawa po namin ang lahat ng aming makakaya ayon sa aming kakayahan.
May mga nagtatanong din kung bakit dalawa ang staff pero nangyari pa rin ito. Ang totoo po, half-day lamang ang schedule ng isa naming tauhan. Bilang isang maliit na negosyo, limitado rin po ang aming budget at hindi namin kayang gawin agad ang lahat ng mungkahi. Sana po ay maunawaan ninyo ang aming sitwasyon.
Higit sa lahat, nagpapasalamat kami sa Diyos. Dito ko mas napatunayan ang kapangyarihan ng panalangin. Lagi kong ipinagdarasal na gabayan at ingatan nya ang aming tindahan at ang aming mga tauhan. At sa nangyaring ito, naniniwala akong hindi nya kami pinabayaan. Isipin ninyo, nasa kamay na ng magnanakaw ang cellphone, pero hindi pa rin niya ito tuluyang nakuha. Para sa iba ay baka pagkakataon lang iyon, pero para sa amin, iyon ay isang patunay na may Diyos na patuloy na nagbabantay.
Hindi po kami perpektong negosyo. Nagkakamali rin kami, at handa po kaming itama ang mga pagkukulang namin. Ang hinihiling lang po namin ay kaunting pang-unawa at respeto. Ang tunay na mali rito ay ang pagnanakaw, hindi ang paghahanap-buhay nang marangal.
Nais ko rin pong ibahagi na karamihan sa aming mga tauhan ay mga estudyante. Isa ito sa layunin ng aming negosyo—ang mabigyan sila ng pagkakataong kumita at makatulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin habang nag-aaral. Ipinagmamalaki namin sila dahil nagsisikap silang magtrabaho nang marangal.
Muli, maraming salamat sa lahat ng mga nakaunawa, nagbigay ng mabubuting payo, at nagdasal para sa amin. Kung nais ninyo kaming suportahan, ikalulugod po naming makadalaw kayo sa aming maliit na tindahan. Malaking bagay na po sa amin ang inyong suporta.
Maraming salamat po, at nawa'y maging ligtas tayong lahat. Mag-ingat po tayo palagi.