17/08/2026
PAALALA PARA SA LAHAT: PROTEKTAHAN NATIN ANG MGA HAYOP 🐾
Ang mga pusang gumagala at mga stray cats ay mga nilalang din na nakakaramdam ng sakit, takot, at paghihirap. Kahit wala silang sariling tahanan o kahit hindi sila personal na alaga ng isang tao, hindi ibig sabihin na maaari na silang saktan o parusahan sa marahas na paraan.
Ang mga pusang madalas makita sa aming cafe ay mga pusang pinapakain lamang namin dahil naaawa kami sa kanila. Hindi man sila aming personal na alaga, pinipili naming bigyan sila ng pagkain at malasakit.
Kung sakaling may taong makalmot o masaktan ng pusa, lalo na kung hindi naman ito sinasadya, tandaan natin na may tamang paraan para ito ay maresolba. Linisin at gamutin ang sugat, magpakonsulta kung kinakailangan, at huwag hayaang manaig ang galit.
Ang pusa ay kumikilos ayon sa kanilang instinct. Hindi nila nauunawaan ang lahat ng ginagawa nila tulad ng tao. Ngunit tayo bilang tao ang may mas mataas na pag-iisip at kakayahang pumili ng tama. Ang sakit o galit na nararamdaman natin ay hindi dahilan para saktan o paghigantihan ang isang hayop.
Kung sinasabi nating may karapatan tayong protektahan ang ating sarili kapag tayo ay nasaktan, mayroon din tayong responsibilidad na huwag gumawa ng mas malaking pananakit sa isang hayop na walang kakayahang ipagtanggol ang sarili nito.
Nais naming ipaalala na ang animal cruelty ay may kaukulang pananagutan sa batas. Sa ilalim ng Republic Act No. 8485 o Animal Welfare Act, na inamyendahan ng Republic Act No. 10631, ang sinumang mapapatunayang gumawa ng cruelty, maltreatment, o pagpapabaya sa hayop ay maaaring maparusahan.
Ayon sa batas, maaaring kabilang sa parusa ang:
• Pagkakakulong ng 6 buwan hanggang 1 taon at/o multa hanggang ₱30,000 kung ang hayop ay sinaktan ngunit hindi namatay o hindi naging incapacitated.
• Pagkakakulong ng 1 taon at 1 araw hanggang 1 taon at 6 buwan at/o multa hanggang ₱50,000 kung ang hayop ay malubhang napinsala at nangangailangan ng tulong para mabuhay.
• Pagkakakulong ng 1 taon, 6 buwan at 1 araw hanggang 2 taon at/o multa hanggang ₱100,000 kung ang hayop ay namatay dahil sa ginawa.
Kahit hindi ikaw ang may-ari ng isang hayop, ang pananakit dito ay hindi dapat balewalain. Ang bawat nilalang ay may karapatang tratuhin nang may malasakit at respeto.
Maging responsable tayo. Piliin natin ang pag-unawa kaysa pananakit. 🐱❤️