31/05/2026
So nice pubmat from rural women advocates
Sa katatapos lamang na Forum on Food Crisis noong Mayo 22, sa kolaborasyon ng Project 3 Ice Candy Palamig at Rural Women Advocates (RUWA), binigyang espasyo para talakayin ang krisis na kinakaharap sa pagkain, partikular ng mga magsasaka at ordinaryong Pilipinong konsyumer, na parehong apektado sa hindi makatarungang taas-presyo ng bigas at mga bilihin. Isa sa binigyang-diin ni Nanay Cathy Estavillo, panauhing tagapagsalita mula sa Amihan National Federation of Peasant Women at Bantay Bigas, na ang dahilan sa nasabing krisis ay dulot ng sigalot sa West Asia na pakana ng imperyalistang US, at lubhang nakakaapekto ito sa lokal na produksyon ng bigas.
Batay sa kalalabas lamang na Summary Inflation Report sa Consumer Price Index ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong ika-5 ng Mayo, tumaas ng 7.2% ang overall inflation sa Pilipinas nitong Abril, na nasa 4.1 % lamang noong Marso. Dahil dito, ang lumabas na average inflation rate mula Enero hanggang Abril ngayong 2026 ay 3.9%, na nakakonekta sa pagtaas din ng singil sa transportasyon, tubig, kuryente, at langis. Mula rito, mahihinuha na hindi lamang iisang sektor ang apektado, laloβt higit na hindi maihihiwalay ang krisis sa pagkain sa kalagayan ng mga lumilikha nito.
Sa kabila ng mandatong inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. na Executive Order No. 118 hinggil sa paglagay ng price ceiling sa mga inaangkat na bigas, hindi nito napababa ang presyo ng bigas at sa halip ay mas napataas pa nito ang self-rated o kinikilala ang sariling mga naghihirap na mga Pilipinong nakararanas ng kagutuman. Dagdag pa rito na hindi lamang ang presyo ng bigas at ilang bilihin ang nagpapahirap sa mga Pilipino kundi maging ang kawalan ng lupang agrikultural dahil sa pananatili ng hacienda system o mahabang panahon na pag-aari ng malalawak na lupain ng mga elitista, mga panginoong maylupa, at mga pribadong korporasyon. Ang mga produktibong lupa na dapat sana ay ginagamit sa paglinang ng sarili nating pagkain ay kino-convert sa ibaβt ibang negosyo, subdivision, at huwad na green projects, tulad ng solar energy at mga windmills na hindi naman napapakinabangan ng masa.
Samantala, tinalakay naman ng ikalawang tagapagsalita na si Mabi David ng Good Food Community ang food justice at sovereignty, kung saan ipinaliwanag niya kung gaano kalaki ang impluwensiya ng mga transnasyonal na korporasyon at monopolyo upang kontrolin ang industriya ng pagkain. Aniya, higit na nagiging motibasyon rito ang kita sa halip na matugunan ang kagutuman. Ang food security ay dapat nakatuon sa akses sa sapat, ligtas, at masustansyang pagkaing tutugon sa pangangailangan at kagustuhan ng tao, ngunit hindi ito ang isinusulong ng mga korporasyon dahil nakatutok sila sa pisikal at ekonomikal na aspeto ng pagkain. Kung gayon ay nananatiling neutral ang konsepto ng food security sa bansa dahil hindi nito tinutukoy ang relasyon sa kapangyarihan at uri na siyang dahilan ng krisis na mayroon ang bansa.
Isinusulong ni David at ng RUWA ang food sovereignty, kung saan mayroong kapangyarihan ang mga mamamayang lumaban sa mga korporasyon o panginoong maylupa upang makamit ang karapatan sa pagkain at mawakasan ang kagutuman. Magsisilbing tungtungan ang food sovereignty upang makamit ng mga magsasaka at mangingisda ang hustisya at dignidad bilang mga pangunahing tagapaglikha ng pagkain natin.
Higit sa pag-alam sa krisis sa pagkain na kinahaharap ng bansa, dapat ding tukuyin natin ang dahilan kung bakit ito nararanasan ng mga Pilipino, bakit tayo patuloy na naghihirap sa kabila ng angking likas na yaman ng bansa, at bakit ang mga magsasaka at mangingisda natin ang pinakalugmok sa kagutuman. Kayaβt sa kabila ng banta sa seguridad at buhay ay patuloy tayong nag-oorganisa ng mga ganitong klaseng talakayan upang himukin ang mga taong kumilos laban sa krisis at inhustisya. Tayo bilang mga ordinaryong Pilipino ay hindi lamang mamimili, hindi lamang konsyumer, at hindi lang dapat nakatuon sa ating purchasing power. Bagkus ay dapat makiisa tayo sa kolektibong pagkilos upang suportahan ang laban ng mga magsasaka at mangingisda, ang ating pangunahing pwersa.
Sama-sama tayong manindigan para sa lupa, buhay, at hustisya!
Rice Liberalization Law, ibasura!
Lokal na produksyon, hindi importasyon!
Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!